Monday, October 31, 2011

ANG GANAP NA PAGKAWASAK NG DIYABLO

HUG OF CHRIST FELLOWSHIP PURE GRACE

“Changing lives and homes with the pure message of God’s grace”

4291 Neptune Street, Centennial 2, Brgy. Pinagbuhatan, Pasig City www.houseundergrace.webs.com

ANG GANAP NA PAGKAWASAK NG DIYABLO

I. Ang Simula ng Diyablo.
A. Sa simula ay nilikha ng Diyos ang langit at ang lupa (Genesis 1:1). Kasama sa mga nilikha ng Diyos ay ang mga anghel (Colosas 1:16). Tinatawag din silang “mga anak ng Diyos” (Genesis 6:2; Job 1:6; 2:1; 38:7). Sila ay tinatawag na mga “anghel” na ang kahulugan ay “mensahero”. Sila ang inuutusan ng Diyos na magdala ng mensahe sa mga tao mula sa langit.
B. Kasama sa mga anghel na nilikha ng Diyos ay ang anghel na si “Lucifer” (Isaias 14:12). Siya ay isang kerubin na nagtatakip sa trono ng Diyos, napakaganda, nakapakamatalino, perpekto at mahusay sa musika (Ezekiel 28:13-16). Siya ay pinagkatiwalaan ng Diyos ng kapamahalaan.
C. Ngunit lumaon, ay nasumpungan ang kasamaan sa kanyang puso. Nagkaroon siya ng kayabangan dahil sa kanyang kagandahan. Nagkaroon siya ng pangarap na palitan ang Diyos. (Isaias 14:12-14; Ezekiel 28:17,18) upang siya na ang maging pinakamataas sa lahat.
D. Pinalayas siya ng Diyos at ang lahat ng mga anghel na pumanig sa kanya, at itinaboy mula sa langit, sa trono ng Diyos. (Isaias 14:12)
E. Ngunit kahit pinalayas sila ng Diyos, hindi nawala ang taglay nilang kakaibang kapangyarihan at lakas.
F. Mula noon, ang anghel na si Lucifer ay naging “diyablo” na ang kahulugan ay “accuser” at “Satanas”, na ang kahulugan ay “kaaway”.
G. Pumunta si Lucifer na naging Satanas na sa halamanan ng Eden bilang “ahas” (Genesis 3:1), at sinimulan ang pakikialam at pagpapatakbo sa buhay ng mga tao. Sinimulan niyang wasakin ang buhay ng tao sa pamamagitan ng pag-uudyok niya sa tao na maging katulad niya – na may masamang pita ng laman, masamang pita ng mga mata at kapalaluan sa buhay (1 Juan 2:15).
H. Nagtagumpay si Satanas. Nakinig at sumunod ang mga unang tao sa kanya. At katulad niya, ang mga tao rin ay pinalayas sa presensya ng Diyos.



II. Si Adam at ang Pagbagsak ng Sangkatauhan.

A. Ginawa ng Diyos ang unang taong, si Adam bilang pinuno o prinsipe ng lupa (Genesis 1:26-28).
B. Binigyan ng Diyos si Adam ng kakayahang pumili.
C. Pinili ni Adam na sumuway sa Diyos sa pamamagitan ng pagkain sa ipinagbabawal na punungkahoy ng kaalaman ng masama at mabuti. (Genesis 3:17)
D. Namatay siya sa espirituwal – nahiwalay siya sa buhay ng Diyos. (Genesis 2:17). Nagsimula ang proseso ng kamatayan sa tao – sa espirituwal hanggang sa pisikal na kamatayan (Roma 5:14,17-18).
E. Binigay niya ang kanyang kapangyarihang mamahala (dominion) kay Satanas. Dahil dito:
1. Si Satanas na ang naging “pinuno” o “prinsipe” ng sanlibutang ito. (Juan 12:31; 14:30; 16:11)
2. Si Satanas ang naging “diyos ng sanlibutang (kapanahunang) ito” (2 Cor 4:4)
3. Si Satanas ang naging “prinsipe ng kapangyarihan ng hangin” (Efeso 2:2)
4. Ang lupa at lahat ng naroroon ay naging pag-aari ni Satanas (1 Juan 5:19).
5. Dahil siya ang naging legal na may-ari ng sanlibutan, siya ay nagparoo’t parito sa lupa (Job 1:7) at may kapangyarihang magnakaw, pumatay at lumipol (Juan 10:10).
6. Si Satanas ang naging legal na may-ari dahil ibinigay sa kanya ni Adam, mula nang sinuway ni Adam ang Diyos. (Lucas 4:5,6)
F. Hindi maaaring wasakin ng Diyos si Adam at gumawa uli ng bagong tao mula sa lupa.
G. Hindi maaaring gamitin ng Diyos ang alabok ng lupa, upang gumawa ng bagong tao – dahil ayon sa legalidad, ito ay hindi sa kanya o kay Adam.

III. Gumawa ang Diyos ng plano na magbabalik sa tao sa Diyos.
A. Kailangang madala ng Diyos ang Huling Adam (Si Jesu-Cristo) sa lupa, sa isang paraang legal. Isang tao ang naging dahilan ng pagbagsak ng sangkatauhan (si Adam) … isang tao rin naman ang tutubos sa sangkatauhan: si Jesu-Cristo (Roma 5:17-18).
B. Ang Huling Adam ay maaari lamang dumating sa lupa sa pamamagitan ng Kasunduan sa Dugo…at ito ay ang Kasunduan ng Diyos kay Abraham (Kasunduang Abrahamiko).
C. Kailangang makipag-kasunduan ang Diyos sa isang taong pagmumulan ng Huling Adam…mula sa binhi ni Abraham…na ipapanganak sa pamamagitan ng birhen…mula sa dugo ng Diyos mismo.
D. Ang Huling Adam (1 Corinto 15:45), si Jesu-Cristo, ang nakatakdang humatol, magpalayas, at magwasak kay “Satanas na “prinsipe…at diyos ng sanlibutang ito [nakaraang kapanahunan]”. (Hebreo 2:14; 1 Juan 3:8; Pahayag 12:9,10; Mateo 28:18).

IV. Dahil sa Bagong Tipan sa Dugo ni Jesus, tinalo, ginapi at sinamsaman ng Panginoon ang diyablo at ang kanyang kaharian (Colosas 2:13)
A. Sa pamamagitan ng kanyang dugo at pagkamatay sa krus, ginapos ng Panginoong Jesus ang diyablo – ang malakas na tao (Mateo 12:29). Ayon sa Pahayag 20:2,3 “ sinunggaban niya ang dragon, ang matandang ulupong na iyon, na siyang Diyablo, at si Satanas, at iginapos siya ng isang libong taon, at inihagis siya sa hukay na walang-kalaliman, at sinarhan siya, at naglagay ng isang tatak sa kaniya, upang hindi na niya malinlang pa ang mga bansa”.
1. Sino ang sumunggab sa diyablo? Ang isang anghel na bumaba mula sa langit (Pahayag 20:1). Ang kahulugan ng anghel ay “sugo”. Ang sugo ng Diyos ay ang kanyang Anak (Galacia 4:4) na nanggaling sa langit (Juan 3:13), samakatuwid ay ang Panginoong Jesus. Hawak niya ang susi. Ang susi ay “kapamahalaang magbukas at magpinid” (Pahayag 3:7). Hawak niya ang isang malaking tanikala na ipanggagapos niya sa diyablo.
2. Sino ang sinunggaban at iginapos? Ang dragon, a.k.a. ang Matandang Ulupong (Genesis 3:1), na siyang Diyablo at Satanas.
3. Anong ibig sabihin ng “iginapos”? Ang paggapos ay hindi literal na may tanikala at ginapos ang diyablo. Ito ay isang piguratibong pananalita na ang kahulugan ay “pigilan” o”pagbawalan”. Ang diyablo ay pinigilan, pinagbawalan at hindi na pinahintulutang “linlangin ang mga bansa (mga Gentil)”.
4. Gaano katagal ang pagkagapos ng diyablo? Isang libong taon. Gaya ng tanikala, ang isang libong taon (milenyo) ay hindi literal na isang libong taon. Tandaan natin, na ang aklat ng Pahayag ay aklat ng mga bilang na pawang may mga kahulugan.
a. Ang bilang na 1000 ay 10 x 100. Ang bilang na 10 ay kumakatawan sa mga Gentil, Salita ng Diyos, Pagiging hari, Batas at Responsibilidad at bilang din ng Kasakdalang Pangkaayusan.
b. Ang 1000 ay 10 na pinadami pa ng 100 beses. Ang bilang na 1000 ay kumakatawan sa isang mahabang panahon ng paghahari ng Salita ng Diyos sa mga bansa. Samakatuwid, ang isang libong taon na pagkagapos ng diyablo ay hindi literal na isang libong taon kundi isang mahabang panahon na lalaganap ang ebanghelyo sa mga bansa. (Mateo 24:14).
c. Ang panahong iyan ay ang mula sa panahon ng “Mga Gawa ng mga Apostol” pagkatapos na si Jesus ay mamatay, malibing, muling nabuhay at umakyat sa langit… hanggang sa pagkawasak ng lungsod at templo ng Jerusalem noong A.D. 70. Mga 40 taon. (Pakitingnan ang chart ng “Timeline of the end”).
5. “At kapag ang isang libong taon ay lumipas na, ay makakalagan si Satanas mula sa kanyang bilangguan. At lalabas upang maglinlang ng mga bansa na nasa apat na sulok ng lupa, sa Gog at Magog, upang sama-sama silang tipunin sa digmaan: na ang bilang nila ay gaya ng buhangin sa dagat.” (Pahayag 20:7-8). At pagkatapos “ang diyablo na naglinlang sa kanila ay inihagis sa lawa ng apoy at asupre, kung saan naroroon ang halimaw at ang bulaang propeta, at pahihirapan sa araw at gabi magpakailan at kailan man.” (Pahayag 20:10).
a. Pagkatapos ng malaganap na pangangaral ng ebanghelyo sa mga bansa mula sa panahon ng mga Gawa hanggang sa “katapusan ng sanlibutan” (Mateo 24:3,14), ang diyablo ay kakalagan at lilinlangin niya ang mga bansa kasama ng kanyang mga kampon (Pahayag 16:13-14).
b. Ang sanlibutan na tinutukoy ay “” (aionos) sa Griego na ang kahulugan ay “kapanahunan” o “age”. Ang katapusan na tinutukoy diyan ay may kaugnayan sa templo. Kaya’t ang katapusan ng sanlibutan na tinutukoy diyan ay ang katapusan ng sanlibutan (o kapanahunan ng Israel at ng templo) - Jewish age or Jewish world, at hindi ang katapusan ng planetang Lupa. (Basahin ang Ecclesiastes 1:4 at Efeso 3:21).
c. Ang “Jewish age” ang tinatawag na “SANLIBUTANG ITO” (Mateo 12:32; Efeso 1:21) at ang pagkatapos nito ay ang “SANLIBUTANG DARATING”. Ang dalawang sanlibutang iyan ay dalawang “ages”. Ang ebanghelyo ay ipinangaral sa buong sanlibutan (Colosas 1:6,23) sa mga bansa – hindi ito tumutukoy sa buong “globo” kundi sa “sanlibutan” nila, samakatuwid ay ang buong “Imperyo ng Roma”.
d. Pagkatapos niyan, sa maikling panahon ng diyablo, ay titipunin niya ang mga bansa at sasalakayin ang banal na lungsod – ang Jerusalem. (Daniel 9:26; Lucas 21:24). Ang Jerusalem ay winasak ng Roma ayon sa propesiya ni Daniel at ng Panginoong Jesus. Yan ang katapusan ng Jerusalem at ng “Jewish age” at yan din ang katapusan ng paghahari ng diyablo (Pahayag 20:10).
e. Ang diyablo at ang kanyang mga kampon ay LUBUSANG WINASAK na ng Panginoong Jesus at wala nang kapangyarihan. Iyan ay dahil sa Kasunduan sa Dugo.
B. Winasak ni Jesus ang diyablo na dating may kapangyarihan sa kamatayan (Hebreo 2:14). Basahin ang Genesis 3:15. Natupad ang propesiyang ito sa Panginoong Jesus.
C. Ngayon, ay nabawi niya ang kapangyarihang ito, at si Jesus na ang may taglay ng susi o ng kapamahalaan sa impiyerno at sa kamatayan (Pahayag 1:18). Siya ang may taglay ng lahat ng kapamahalaan sa langit at sa lupa (Mateo 28:18). (Hindi totoo na ang diyablo ang haring nakaupo sa trono ng impiyerno, na inilarawan na isang nilalang na makapangyarihan, na may mukhang kambing at may hawak na tungkod na tinidor, sa gitna ng maraming mga demonyo na nagpapahirap sa mga kaluluwang nasa impiyerno. Ang totoo ay ang sinasabi ng Mateo 25:41 at Pahayag 20:10 - pakibasa.
D. Kaya’t ngayon, hindi na si Satanas ang “prinsipe” at ang “diyos” ng sanlibutang ito at hindi na rin siya ang legal na nagmamay-ari sa lupa at ang lahat ng naroroon, kundi ang Panginoong Jesu-Cristo – ang DIYOS – TAO…siya na ang Diyos at Prinsipe ng Sanlibutang ito. Siya ang legal na nagmamay-ari ngayon sa buong sanlibutan…ang Huling Adam.
E. Ang diyablo ay wasak na at hindi na naghahari. Sa halip, ang Panginoong Jesu-Cristo na ang naghahari (Pahayag 11:15, 17-19), at ang paghaharing ito ay hindi pansamantala lamang o sa isang libong taon, kundi MAGPAKAILAN KAILAN MAN. Amen. Pahayag 11:15 “Ang mga kaharian ng sanlibutang ito ay naging mga kaharian ng ating Panginoon, at ng kanyang Cristo; at siya ay maghahari magpakailan kailan man.”

No comments: