by Bishop Marthy C. Austria
HUG of Christ Fellowship Pure Grace
A. Ang Diyos ay Espiritu. “Ang Diyos ay isang Espiritu” (Juan 4:24). Ang Diyos ay isang Espiritu. At ang Espiritu ay hindi nakikita. Walang anyo. Hindi limitado ng panahon, lugar o anumang bagay. Ito ay isa sa mga walang-hanggang kalikasan ng Diyos.
Tingnan natin ang pagsasalarawan sa Diyos sa aklat ni Timoteo: “Siya lamang ang may kawalang-kamatayan, nananahan sa kaliwanagan na walang taong makalalapit; na sa kanya ay walang taong nakakita, ni makakikita” (1 Timoteo 6:16). Iyan ang pagsasalarawan sa Diyos na Espiritu. Iyan ang tunay na esensya ng Diyos – Espiritu.
Sa kawalang-hanggan, ang Diyos ay Espiritu. Bago pa magsimula ang lahat, bago pa niya gawin ang lahat siya ay Espiritu: walang anyo, di-limitado ng panahon, lugar at anumang bagay sa sansinukob.
B. Ang Diyos ay naglimita sa kanyang sarili.
1. Alang-alang sa paglikha.
Ang Elohim. Subalit alang-alang sa paglikha, nilimitahan niya ang kanyang sarili. Siya ay gumanap sa kanyang opisina bilang Elohim nang nilikha niya ang langit at lupa (Genesis 1:1) sa simula. Ang Salita. Ganundin, sa simula ng lahat siya ay ang Salita (Juan 1:1). Bago pa ang simula, siya ay Espiritu, di-limitado. Ngunit nang nagsimula na ang simula, siya ay naging Salita at naging Elohim. Para sa paglikha, nilimitahan niya ang kanyang sarili upang gampanan ang kanyang opisina bilang Elohim at bilang Salita. Ayon sa Juan 1:1 Ang Diyos mismo ay ang kanyang Salita. At sa talatang 3, ay sinasabing ang Salitang ito ang gumawa ng lahat ng bagay.
Ang Anyo ng Diyos. Ayon kay Apostol Pablo sa Filipos 2:6, na si CRISTO JESUS ay nasa ANYO NG DIYOS. Oo, siya ay naglimita sa kanyang sarili – nagkaroon siya ng anyo ng Diyos, para sa paglikha. Ito ay patungkol sa kalagayan ni CRISTO bago pa siya magkatawang-tao. Siya ay nasa anyo ng Diyos. Tandaan natin: na ang Diyos ay Espiritu – walang anyo at hindi limitado. Ngunit alang-alang sa paglikha, nilimitahan niya ang kanyang sarili nang kinuha niya ang anyo ng Diyos. Ang Diyos na Espiritu ay naging Elohim, Salita at Anyo ng Diyos para sa paglikha.
Ang Larawan ng Diyos. Si CRISTO ay “ANG LARAWAN NG DI-NAKIKITANG DIYOS” (Colosas 1:15). Oo, siya ay naglimita sa kanyang sarili alang-alang sa paglikha, hindi lang sa paglikha sa langit at lupa, kundi maging sa paglikha sa tao. Ayon sa Genesis 1:27 “Nilikha ng Diyos ang tao sa kanyang sariling larawan”. Si Cristo ang larawan ng Diyos na di-nakikita. Ang Espiritu ay di-nakikita at walang anyo. Paano siyang magkakaroon ng larawan? Nilimitahan ng Diyos ang kanyang sarili sa pagiging LARAWAN NG DI-NAKIKITANG DIYOS. Tandaan natin na ang larawang binabanggit ay pangkatawan na larawan at di-moral. Ang Espiritu ay di-nakikita. Kinakailangang maihayag niya ang kanyang sarili sa isang limitadong paraan, sa pagkakaroon ng anyo. At sa anyong ito nga, ginawa ang tao. Ayon sa Genesis 3:8, ang Diyos ay binanggit na LUMALAKAD sa halamanan ng Eden. Paano siyang lalakad kung wala siyang paa? Maaaring sabihin natin na ginamit lang ang pagsasalarawan na ito upang maunawaan ng tao ang Diyos, ngunit tandaan natin na ang Diyos ay nagkaroon ng ANYO NG DIYOS at LARAWAN NG DIYOS upang makipagniig siya sa tao.
Ang Ama. “Ngunit ngayon, O PANGINOON (JEHOVAH), ikaw ay aming AMA; kami ay malagkit na putik, at ikaw ay aming magpapalyok; at kaming lahat ay GAWA NG IYONG KAMAY” (Isaias 64:8)
Ang Diyos ay nagpahayag bilang AMA alang-alang sa paglikha sa sangkatauhan. Ang Diyos ay tinatawag ding “Walang hanggang Ama” o “Ama ng Walang Hanggan” (Isaias 9:6). Dahil siya ay walang hanggan kung kaya’t siya ang Ama o ang may taglay ng walang hanggan. Sa kanya nanggaling ang walang hanggan.
Ang Diyos na Espiritu ay naglimita sa kanyang sarili alang-alang sa paglikha sa lahat ng bagay at sa sangkatauhan sa pamamagitan ng pagkapahayag niya sa paglikha bilang ang Elohim, ang Salita, ang Anyo ng Diyos, ang Larawan ng Diyos at ang Ama.
“Ikaw ay AMING AMA, bagaman hindi kami kinilala ni Abraham, at hindi kami kilala ng Israel: ikaw, Oh PANGINOON (JEHOVAH), ay AMING AMA, aming Manunubos; ang iyong pangalan ay mula sa walang pasimula.” (Isaias 63:16)
2. Alang-alang sa Pagtubos
Jehovah. Sa Lumang Tipan ang Diyos ay nagpahayag sa iba’t ibang pangalan at titulo (Tingnan sa Aralin 4). Kay Abraham, Isaac at Jacob ay nagpakita siya bilang Diyos na Makapangyarihan; ngunit di siya nakilala sa kanyang pangalang JEHOVAH (Exodo 6:3). Ang ibig sabihin ng pangalang JEHOVAH ay “Ang walang hanggang umiiral sa kanyang sarili na nagpapahayag ng kanyang sarili”. Iyan si JEHOVAH. Ito ang kanyang pangalan magpakailanman (Exodo 3:15). Nagpakilala siya kay Moises bilang si “AKO NGA” (Exodo 3:14). Ito rin ang pahayag ng PANGINOONG JESU-CRISTO. Siya ay si “AKO NGA”. (Juan 8:58). Si JEHOVAH ay si JESU-CRISTO. Iyan ang Diyos – siya ay laging umiiral – sa walang pasimula – sa nakaraan – sa kasalukuyan – sa kinabukasan – at sa walang hanggan. Si JEHOVAH/JESU-CRISTO ay WALANG PASIMULA at WALANG HANGGAN! Iyan ang kanyang pangalan magpakailan man.
Pagdating sa paglikha, ang pangalan at titulong ginamit ng Diyos ay EL at ELOHIM. Ngunit pagdating sa pagtubos, ang pangalan at titulong ginamit niya ay JEHOVAH at mga pangalang may kaugnayan dito. Sa kasaysayan ng Israel, ang Diyos ay nakipagkasunduan sa kanila bilang si JEHOVAH.
Ang Bugtong na Anak ng Diyos. Sa Lumang Tipan, si JEHOVAH ay nagsalita at nagpahayag sa pamamagitan ng kanyang mga sugong propeta. Ngunit sa Bagong Tipan, ang Diyos ay nagsalita at nagpahayag sa pamamagitan ng kanyang ANAK na kanyang sinugo. (Heb 1:1-2)
Sino ba ang ANAK NG DIYOS? Siya ba ay isang Personang hiwalay at iba pa sa Diyos?
Ayon sa Isaias 9:6, ang ANAK ay tatawaging WALANG HANGGANG AMA. Sinasabi dito na ang inihulang Mesias na ipapanganak ay iyon din ANG AMA, at hindi ibang Persona.
Ang Juan 3:16 at Galacia 4:4 ay tumutukoy sa pagsusugo ng Diyos sa kanyang Anak.
Juan 1:14,18 “At ang SALITA ay ginawang LAMAN, at nanahan sa gitna natin, (at namasdan namin ang kanyang kaluwalhatian, ang kaluwalhatiang gaya ng sa BUGTONG NA ISINILANG NG AMA,) puno ng biyaya at katotohanan…Walang taong nakakita sa Diyos sa alinmang panahon; ang BUGTONG NA ISINILANG NA ANAK, na nasa dibdib ng Ama, ay ipinahayag niya siya.”
Taliwas sa tradisyunal na paniniwala, ang ANAK NG DIYOS ay hindi walang hanggan. Ang titulong BUGTONG NA ANAK NG DIYOS ay unang binanggit sa Bagong Tipan lamang. Hindi natin mababasa ang relasyon ng AMA at ng ANAK sa Lumang Tipan. Mababasa lang natin ito sa Bagong Tipan. Kung may binabanggit man tungkol sa ANAK sa Lumang Tipan, ito ay propesiya sa darating na panahon na naganap na nang nahayag si CRISTO sa LAMAN.
Ang Diyos ay nagkatawang-tao at ipinanganak. Kaya siya ay tinawag na BUGTONG NA ISINILANG NA ANAK NG DIYOS. Siya lamang ang ipinanganak ng Diyos sa gayong paraan sa pamamagitan ng birhen. At ang titulong ANAK NG DIYOS ay titulo ng kanyang pagiging Diyos at pagiging tao. Siya ang DIYOS-TAO.
Kagaya ng ginawa ng Diyos na ESPIRITU na ang pangalan ay JEHOVAH alang-alang sa paglikha, nilimitahan niya ang kanyang sarili sa pamamagitan ng pagpapahayag bilang Ang ELOHIM, Ang SALITA, Ang ANYO NG DIYOS, Ang LARAWAN NG DIYOS, at Ang AMA, ganondin, alang-alang sa pagtubos sa sangkatauhan, lalo pang nilimitahan ng Diyos ang kanyang sarili sa pamamagitan ng kanyang PAGKAKATAWANG-TAO o PAGIGING LAMAN. Siya ay ipinaglihi sa pamamagitan ng kanyang Espiritu at ipinanganak ng birheng si Maria. (Lucas 1:35; Mateo 1:20). Nang siya’y nagkatawang-tao, at saka doon nagsimula ang paggamit niya sa kanyang titulo at pagganap sa kanyang opisina bilang ANAK NG DIYOS. At sa kanyang pagkakatawang-tao binigyan siya ng pangalang JESUS (Mateo 1:21).
Namuhay ang DIYOS bilang ANAK NG DIYOS – isang taong may limitasyon…nagugutom…kumakain…
inaantok…natutulog…napapagod… nagpapahinga… nalulungkot… nagagalit… natutuwa, atbp.
Namuhay siya nang normal bilang tao, ngunit di nagkasala (Hebreo 4:15). Nagturo siya, gumawa ng himala, nagpagaling, nagpalabas ng mga diyablo, naglinis ng mga ketongin. Ipinahayag niya ang Diyos. Sa kanya nananahan ang buong kapuspusan ng Pagka-Diyos sa katawan (Colosas 2:9).
Siya ay ang DIYOS NA NAHAYAG SA LAMAN (1 Timoteo 3:16). Ngunit hindi ito alam ng mga taong nasa paligid niya. “Siya ay nasa sanlibutan, at ang sanlibutan ay ginawa niya, at hindi siya nakilala ng sanlibutan” (Juan 1:10)
Bagama’t ang Diyos ay nagkatawang-tao at gumanap sa opisina niya bilang ANAK, nagpapatuloy pa rin ang pagganap niya sa kanyang opisina bilang AMA na nasa langit. Kahit nilimitahan niya ang kanyang sarili sa pagiging tao na limitado sa katawan, ang Diyos ay nananatili pa ring ESPIRITU (Juan 4:24) na hindi limitado ng anumang bagay. Mapapansin na ang Panginoong JESU-CRISTO sa kanyang opisina bilang ANAK ay nanalangin at nakipag-usap sa AMA. At nang ang ANAK ay binautismuhan, ang AMA ay nagsalita at ang BANAL NA ESPIRITU naman ay bumabang tulad ng kalapati. (Mateo 3:16-17). Sabi ng mga tradisyunal na teologo, ang eksenang ito daw ay nagpapatunay ng Trinidad o tatlong magkakaibang persona ng Diyos. Ngunit ito ay hindi totoo. Ito ay mga tatlong opisina o manipestasyon ng IISANG DIYOS – IISANG PERSONA lamang. Hindi imposible sa DIyos na siya ay nasa dalawa o tatlong dako sa parehong oras. Hindi mahirap sa kanya na maging Ama at Anak sa parehong oras. Ang katotohanan, nang ang ANAK ay nasa lupa, ay may AMANG nasa langit. Ngunit hindi dalawang persona. Kundi IISANG PERSONA lamang.
Paano natin ipapaliwanag ang talatang ito: “Nang magkagayo’y ang PANGINOON (JEHOVAH) ay nagpaulan sa Sodoma at Gomorra ng asupre at apoy mula sa PANGINOON (JEHOVAH) buhat sa langit” (Genesis 19:24). May titnutukoy ditong dalawang PANGINOON, ang nasa lupa at nasa langit. Ibig bang sabihin ay dalawang persona sila? HINDI. Mayroon lamang IISANG PANGINOON. Ngunit ang IISANG PANGINOON na ito ay nagawa niyang gumanap sa kanyang dalawang opisina sa langit at sa lupa. Ganondin ang AMA at ang ANAK. Sabay niyang ginampanan ang pagiging AMA at ang pagiging ANAK.
Kahit nang umakyat na ang ANAK sa langit at umupo sa kanang kamay ng AMA, ay nagpapatuloy pa rin ang dalawang manipestasyon niyang ito – bilang AMA at ANAK. Sa mga pagbati ni Apostol Pablo sa mga iglesya, ay nababanggit niya ang mga ito “Biyaya mula sa Diyos Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo” (1 Corino 1:3; 2 Corinto 13:14; Galacia 1:3; Efeso 1:2 atbp.) May talata pang nagsasasabi na ang Diyos AMA ay DIYOS AT AMA NG PANGINOONG JESU-CRISTO (Efeso 1:3), na ginagamit ng mga kulto na nagtuturo na si Cristo ay hindi Diyos kundi tao lamang. Ngunit ang talatang ito ay tungkol sa relasyon ng ANAK sa AMA. Ang ANAK ay anak at nagpapasakop sa AMA. Ngunit di nangangahulugang di Diyos ang ANAK. Ang relasyong ito ng AMA at ANAK ay hanggang sa pagdating ni Cristo na kung saan ay wala nang AMA at ANAK kundi ang DIYOS ay magiging LAHAT sa LAHAT (1 Corinto 15:24,28).
Ayon sa Panginoong JESU-CRISTO, ang nakakita sa kanya ay nakakita sa AMA dahil siya at ang AMA ay IISA (Juan 14:9; 10:30). Ibig sabihin si JESUS ay ang AMA. Hindi lang niya sinasabi nang diretso na siya ang Diyos dahil nang nagkatawang-tao siya ay ibinaba niya ang kanyang sarili bilang “ANYO NG LINGKOD” at ginawa sa “WANGIS NG MGA TAO” (Filipos 2:7). Kung kaya’t ang sinasabi niyang dapat sambahin ay ang AMA (Juan 4:23), ang dapat dalanginan ay ang AMA (Mateo 6:6), ang dapat tawaging Ama ay ang DIYOS AMA lamang (Mateo 23:9). Sinabi niyang ang Ama ay higit na dakila sa kanya (Juan 14:28). Bakit? Sino bang anak ang higit na dakila sa kanyang ama? Ang Diyos ay nagpakababa bilang ANAK, at bilang ANAK, siya ay higit na mababa kaysa sa kanyang opisina bilang AMA. Ngunit ang mga ito ay hindi dalawang persona.
Siya ay ipinako sa krus, namatay, nalibing, at muling nabuhay sa ikatlong araw nang dahil sa kasalanan ng sangkatauhan (1 Corinto 15:3-4). Pagkatapos ng apatnapung araw, siya ay umakyat sa langit at umupo sa kanan ng Diyos (Hebreo 1:3; 8:1; 10:12).
Ang Banal na Espiritu. Sa araw ng Pentecostes, isinugo ng Diyos ang kanyang Espiritu. Ibinuhos ng Diyos ang kanyang Espiritu (Gawa 2:4; 2:18) bilang katuparan ng hula ni Propeta Joel. Dito naman ay nagpahayag ang Diyos bilang Banal na Espiritu. Ngunit ito ay hindi ang tradisyunal na ikatlong Persona.
Ang Banal na Espiritu ay walang iba kundi si JEHOVAH mismo, ang PANGINOON (2 Corinto 3:17-18). Ang Banal na Espiritu ang kapangyarihan ng Diyos at nagpatibay sa pangangaral ng ebanghelyo ng mga apostol sa panahon ng Mga Gawa sa pamamagitan ng mga tanda, kababalaghan at mga himala (Marcos 16:19-20; Hebreo 2:4).
Ang sabi ng Panginoong JESU-CRISTO, ay hindi niya iiwanang ulila ang mga apostol (Juan 14:18). Kung hindi siya aalis, hindi darating ang Banal na Espiritu (Juan 16:7). Ang Banal na Espiritu ang magiging Mang-aaliw nila kapalit ng ANAK (Juna 14:16). Ang umalis ay siya ring dumating ngunit sa ibang kapahayagan – o opisina – bilang Banal na Espiritu, bilang Mang-aaliw.
Ayon sa Panginoong JESU-CRISTO, kasama siya ng mga alagad hanggang sa katapusan ng sanlibutan (Mateo 28:20). Ipapangaral nila ang ebanghelyo ng kaharian hanggang sa katapusan ng sanlibutan (Mateo 24:14). Ito ay hanggang sa katapusan ng sanlibutan (o kapanahunan) na sa wikang Ingles ay “age”. Ito ang katapusan ng Jewish age na naganap noong 70 A.D. nang winasak ng Roma ang templo at lungsod ng Jerusalem nang lubusan (Lucas 21:20-24). Si JESUS sa kanyang opisina bilang Banal na Espiritu ay kasama ng mga alagad hanggang sa katapusan ng sanlibutan ng Judaismo noong 70 A.D. Ang Pagkawasak ng Judaismo[1] ang katapusan ng Templo, Israel at Batas.
C. Ang Diyos ay Diyos na nasa lahat. Ang pagdating ni CRISTO ay ang KATAPUSAN. Ngunit hindi ang KATAPUSAN ng lahat. Ito ang KATAPUSAN NG KAPANAHUNAN NG JUDAISMO. Ngunit ito naman ang SIMULA ng KAPANAHUNAN ng WALANG HANGGANG PRESENSYA NG DIYOS. (Colosas 1:25-29)
Ayon sa 1 Corinto 15:24-28, sa pagdating ni Cristo, titigil na ang kanyang paghahari bilang ANAK. Isusuko na ng ANAK ang kaharian sa AMA pagkatapos na mailagay niya ang KAMATAYAN sa ilalim ng kanyang mga paa. Pagkatapos niyan, ang ANAK ay magpapasakop sa DIYOS, upang ang DIYOS ay maging LAHAT SA LAHAT. Ang ibig sabihin niyan, ang Panginoong JESU-CRISTO sa kanyang opisina bilang ANAK ay isusuko ang kaharian at ang kanyang sarili sa DIYOS – sa kanyang sarili rin bilang DIYOS. Kung kayat sa pangyayaring iyan – ay natapos na ang manipestasyon ng Diyos bilang Ama, bilang Anak at bilang Banal na Espiritu – at ANG DIYOS bilang DIYOS ay magiging LAHAT SA LAHAT.
Sino ba ang DIYOS NA NASA LAHAT? Ayon sa Colosas 1:27 si CRISTO NA NASA INYO, ang pag-asa ng kaluwalhatian. Siya ang CRISTO NASA LAHAT (Colosas 3:11). Ang DIYOS NA NASA LAHAT ay walang iba kundi si CRISTO NA NASA LAHAT.
Si JEHOVAH – ang DIYOS na ESPIRITU – ay walang pasimula at walang hanggan. Alang-alang sa paglikha, nilimitahan niya ang kanyang sarili bilang Ang ELOHIM, ang SALITA, ang ANYO NG DIYOS, ang LARAWAN NG DIYOS, ang AMA. Alang-alang sa pagtubos, ay lalo pa niyang nilimitahan ang kanyang sarili bilang ANAK NG DIYOS, bilang BANAL NA ESPIRITU. Ngunit tinapos niya ang paglilimita niya sa kanyang sarili nang naganap ang katubusan at siya ay bumalik sa pagiging di-limitado – bilang DIYOS NA NASA LAHAT – si JEHOVAH – ang PANGINOONG JESU-CRISTO.
Ang tradisyunal na doktrina ng Trinidad ay isang huwad na pananampalataya, na kinuha lang mula sa paganismo at hindi sa doktrina ng Biblia. Ang doktrinang ito ng Trinidad ay hindi aral ng Biblia, kung kaya’t ito ay lubusan nating sinasalangsang. Hindi natin mababasa sa Biblia ang salitang Trinidad o ang Tatlong Persona. Ang Diyos ng Israel na si JEHOVAH ay ang IISA at TUNAY NA DIYOS, at wala nang iba. Siya ang PANGINOONG JESU-CRISTO ng KRISTIYANISMO.
“Kayo'y aking mga saksi, sabi ng PANGINOON (JEHOVAH), at aking lingkod na aking pinili: upang inyong kilalanin at sampalatayan ako, at inyong maunawaan na AKO NGA SIYA; bago ako ay walang inanyuang Diyos, o magkakaroon man pagkatapos ko. Ako, sa makatuwid baga'y ako, ang PANGINOON (JEHOVAH); at liban sa akin ay walang tagapagligtas. Ako'y nagpahayag, at nagligtas, at ako'y nagpakilala, nang walang ibang diyos sa gitna ninyo: kaya't kayo ang aking mga saksi, sabi ng PANGINOON (JEHOVAH), na ako ang Diyos. (Isaias 43:10-12)
[1] Ang pagkawasak ng Judaismo ang tinatawag na “ARAW NG DIYOS” (2 Pedro 3:12) na ang MGA LANGIT na NASA APOY ay MATUTUNAW, at ang MGA ELEMENTO ay MALULUSAW ng MATINDING INIT (2 Pedro 3:12). Ang LUPA at ang mga gawa nito ay MASUSUNOG (2 Pedro 3:10). Ang araw ng Diyos ay ang araw ng kanyang paghihiganti. Ang babaeng mapangalunya – ang Jerusalem – ay winasak ng Diyos (Pahayag 19:2) at idineklarang HINDI NA BAYAN NG DIYOS (Oseas 1:9). Ang LANGIT ay ang tahanan ng Diyos – ang TEMPLO. Winasak na at tinunaw sa apoy. Ang LUPA ay ang ISRAEL. Sinunog. Ang MGA ELEMENTO ay ang MGA ELEMENTO o MGA ARAL NG JUDAISMO (Galacia 4:3,9; 2 Pedro 3:10,12). At pagkatapos niyan ay nagsimula na ang MGA BAGONG LANGIT at BAGONG LUPA na tinatahanan ng KATUWIRAN (2 Pedro 3:13). Ang BAGONG LANGIT – ang tahanan ng Diyos – ang Iglesya na KATAWAN NI CRISTO (Efeso 1:22-23; Colosas 1:18) na kanyang pinupuspos ng kanyang kaluwalhatian. Ang BAGONG LUPA – hindi ito paggawa ng BAGONG ISRAEL – kundi ng isang BAGONG BAYAN – Ang IGLESYA – ISANG BAGONG TAO (Colosas 3:10). Wala nang DAGAT – na kumakatawan sa MGA GENTIL. Dahil sa KATAWAN NI CRISTO – wala nang pagkakaiba ang Judio at Gentil. Dahil wala nang Judio at Gentil. Ang pagkakakilanlan ng bayan ng Diyos ay hindi sa lahi o dugo kundi sa pakikipag-isa kay CRISTO (Colosas 3:11). Wala nang BATAS NI MOISES. Wala nang MGA ORDINANSA. Wala nang BAUTISMO SA TUBIG. Tayo ngayon ay nasa ILALIM NG BIYAYA (Roma 6:14) at KUMPLETO KAY CRISTO (Colosas 2:10).
No comments:
Post a Comment